kagabi, malamlam ang buwan. tila nagmamasid, tahimik na tagapakinig. malalim sa pag-iisip. marilag.
kagabi, hinikayat ako ng kahiwagaan ng buwan. inangkin akong muli ng misteryo nito.
habang ang iba ay naglalayag na sa dagat ng panaginip, pinili ko na muling makiisa sa imbitasyon nitong maglagalag sa gising na diwa.
balikan ang nakaran. tawirin ang mga pilat na marka ng digmaan at ng mga sugat na nagbabalat-kayo na pilat.
ipinahatid nito sa banayad na hangin ang isang bulong. bulong na nagsasalaysay sa kasaysayan ng tunggalian, ng pakikidigma.
sumuko ako sa alok nito na taluntunin ang bawat hakbang, bawat pagtindig at pagbagsak ng mga pilat.
pinaalala ang panahon ng kapanglawan noong tag-ulan at ang nakikiisang tagaktak ng pawis doon sa lansangan sa nakalipas na mga tag-araw.
sinamahan ko ang buwan sa kalumbayan nito. nakiramay sa tila kalugmukan nito, ngunit ako pala ang kanyang kinalinga.
siguro walang makakaintindi sa lohika kung bakit malungkot ang buwan noong gabing iyon.

marahil may lugar at panahon para dito.


pero balang araw, baka (mali. sana, oo sana) ako naman ang makapaglakbay sa kasaysayan ng buwan. kasaysayan ng isang mandirigma at ang baluti nitong mga pilat.

mga marka na nakuha nito sa larangan ng pagtindig. kung bakit mahirap maging babae sa lipunan at kung paanong mas mahirap maging babaeng nakikidigma.

iniwan ako ng buwan pagsapit ng umaga dala ang pangakong magbabalik ito sa panahon ng kadiliman. bilang gabay, bilang liwanag.

maghihintay ako lagi. gising. hanggang sa panahon na handa na akong tangayin nito sa kanyang kasaysayan.

hanggang sa panahon na pinatibay na din ng mga pilat ang aking kabuuan.



———-

*ang larawan ng buwan ay nakuha mula sa: http://www.mallorcaweb.net/masm/bluemoon/romantic.jpg